Thursday, February 22, 2007


Mga pagbabago sa ‘PBB 2,’ isinisikreto


SA February 25, 9:30 p.m., na sisimulan ang bagong season ng reality contest na Pinoy Big Brother ng ABS-CBN, ang local franchise kung saan nakilala ang mga housemate na gaya nina Sam Milby, Uma Khouny, Cass Ponti, Say Alonzo atbp.


Sinisiguro ng tagapamahala nitong si Direk Lauren Dyogi na maraming pagbabagong magaganap para maging equally interesting ang programa tulad ng nakalipas na mga edisyon (PBB 1, PBB Celebrity Edition at PBB Teen Edition).


Pero top secret pa raw ang lahat dahil sorpresa nga sa viewers ang karamihan sa changes na ito.
Sa ginanap na PBB 2 launch kahapon, ang tanging ikinuwento ni Direk Lauren ay ang pagiging mas malaki ng Bahay ni Kuya, na bawal pang silipin o bisitahin sa ngayon, at ang participation ng manonood sa pagpili ng 14 housemates na papasok at titira sa PBB house hanggang June 30. Mas masusi raw ang ginawang selection process at dahil tatamaan ng 18-week run ang Holy Week sa unang linggo ng Abril, magkakaroon ng Holy Week edition ang PBB 2 sa loob ng Bahay ni Kuya.


Bukod dito, mas matitindi ang tasks na haharapin ng housemates at mas mahigpit ang house rules. In short, masusubukan talaga ang disiplina at katatagan ng labing-apat na kalahok.
Si Toni Gonzaga pa rin ang host ng PBB 2, at sasamahan siya ni Mariel Rodriguez sa Uplate at Bianca Gonzalez para sa Update.


Magkakaroon din ng sariling segment ang PBB 1 product na si Jayson Gainza. Si Asia Agcaoili at ang Bossa Queen sa si Sitti naman ang gabi-gabing makakasama sa PBB sa Studio 23.
Samantala, isang magarbong opening ang gaganapin sa concert hall sa tabi ng Bahay ni Kuya, sa Feb. 25.